Tungkol sa E-PANDAYALITA

Ang E-PANDAYALITA ay isang natatanging online na diksiyonaryo na nakatuon sa pagpapanatili at pagpapalawak ng kaalaman sa bokabularyong ginagamamit sa tradisyunal na pandayan, lalo na sa paggawa ng itak at iba pang kasangkapang may talim. Layunin nitong magbigay ng komprehensibo at madaling gamitin na plataporma kung saan maaaring tuklasin ng mga mag-aaral, panday, at mahilig sa sining ng pagpapanday ang mayamang wikang kaugnay ng metalworking.

Isang mahalagang bahagi ng tradisyunal na hanapbuhay sa ilang bahagi ng Pilipinas ang pagpapanday ng itak o blacksmithing, kabilang na ang Camarines Norte sa rehiyong Bikol. Ang pandayan ng itak ay kilala bilang isang lugar kung saan ginagamitan ng apoy ang mga bakal upang likhain ang iba't ibang gamit, tulad ng itak, kawit, gapas, talim ng araro, at iba pa. Mahalagang kasangkapan sa mga gawain tulad ng pagputol ng kahoy, paglilinis ng sakahan, pagkakatay ng mga karne, pagkakawit, at pag-aani ng palay ang mga kagamitang nililikha ng mga magpapanday.

Nagtataglay rin ang mga panday ng natatanging kaalaman at kasanayan sa paglikha ng mga sandatang ito na may mataas na kalidad at artistikong halaga. Sa proseso ng pagpapanday, ginagamit ang palihan, martilyo, kimpal ng bakal, at iba pang kagamitan upang pahiran, painitin, at pukpukin ang bakal hanggang sa ito'y umayon sa nais na anyo. Kadalasan, ang kaalamang ito ay ipinapasa mula sa henerasyon sa henerasyon, bilang bahagi ng pamanang kultural ng mga lokal na komunidad. Kung kaya’t masasabi na ang pagpapanday ng itak ay hindi lamang isang hanapbuhay kundi isang anyo rin ng sining at simbolo ng kasipagan, talino, at kakayahang Pilipino. Isa rin itong mahalagang bahagi ng pagkakakilanlan ng mga komunidad na patuloy na nagsusulong sa pagpreserba ng kanilang mga tradisyon at kasanayan sa gitna ng makabagong panahon.